Ipinag-utos ni Pangulong Bongbong Marcos sa lahat ng ahensiya ng gobyerno na agad magpatupad ng mga preemptive measure habang papalapit sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ang Super Typhoon Bavi, na tatawaging Bagyong Inday oras na makapasok sa bansa.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, inatasan ng Pangulo ang National Disaster Risk Reduction and Management Council at iba pang kaukulang ahensiya na magpatupad ng whole-of-government approach upang matiyak ang kaligtasan ng publiko bago pa man tumama ang sama ng panahon.
Kabilang sa mga ipinag-utos ang pagsasagawa ng pre-disaster risk assessment, scenario planning, at paghahanda ng mga national at regional disaster response team.
Ipatutupad ang preemptive evacuation sa mga lugar na mataas ang panganib sa matinding hangin, pagbaha at pagguho ng lupa.
Kasama rin sa mga paghahanda ang pagtiyak na handa ang mga evacuation center, paglalagay ng rescue teams at relief goods sa mga strategic area, paghahanda ng alternatibong ruta sa transportasyon, pagpapatupad ng sea travel restrictions, inspeksiyon sa mga kritikal na imprastraktura at agarang pagtulong sa mga pinakaapektadong sektor.
Samantala, ayon sa PAGASA, taglay ng Super Typhoon Bavi ang 205 kilometro kada oras na lakas ng hangin malapit sa gitna at pagbugsong umaabot sa 250 kph.
Inaasahang papasok ang bagyo sa PAR sa pagitan ng Martes ng gabi at Miyerkoles ng umaga, Hulyo 8, kung saan tatawagin na itong Bagyong Inday.
Sa kasalukuyang forecast, mababa ang posibilidad na mag-landfall ito sa kalupaan ng Pilipinas.
Gayunman, posibleng dumaan ito malapit sa pinakahilagang bahagi ng Luzon, partikular sa Batanes, bago tumungo sa direksiyon ng Taiwan at Ryukyu Islands ng Japan.

Share.