Inaprubahan ng International Criminal Court (ICC) Trial Chamber III ang kahilingan ni dating Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte na maidagdag ang isang indibidwal sa kanyang listahan ng non-privileged contacts.
Ayon sa ICC, ang pagkakakilanlan ng naturang indibidwal ay ni-redact kaya’t hindi ito isiniwalat sa publiko.
Sa desisyon ng korte, inatasan ang Registry na agad ipaalam sa hukuman ang anumang paglabag sa contact restrictions o anumang kaugnay na developments sa kaso.
“The Chamber therefore orders the Registry to add [REDACTED] to the list of the Accused’s nonprivileged contacts, under the conditions as set forth in the previous decisions,” pahayag nito.
“In light of these circumstances, the Chamber finds that the current prohibitions on calls and visits between the Accused and [REDACTED] no longer seem necessary,” saad pa ng ICC Trial Chamber.
Dagdag pa ng korte, ang isang detenido ay may karapatang tumanggap ng sulat, package, at makipag-ugnayan sa pamamagitan ng sulat o telepono sa kanyang pamilya at iba pang tao at tumanggap ng bisita.
Binigyang-diin din ng ICC na ang karapatan sa pribadong buhay at ugnayan ng pamilya ay kinikilala sa ilalim ng international human rights standards, na nagsisilbing gabay sa interpretasyon ng kanilang legal framework.
Ayon sa ulat, noong Mayo ay naghain ang depensa ni Duterte ng kahilingan na payagan ang pakikipag-ugnayan sa naturang indibidwal basta’t ito ay sasailalim sa monitoring alinsunod sa naunang kautusan ng Pre-Trial Chamber I.

Share.