Pinaigting ng mga awtoridad ang operasyon laban sa illegal na pagbebenta, pag-hoard, at profiteering ng produktong petrolyo sa Bicol Region, na nagresulta sa pagkakaaresto ng ilang indibidwal at pagkakasamsam ng mahigit P4.4 milyong halaga ng gasolina at kagamitan sa Masbate at Albay.
Ayon sa pulisya, isinagawa ang mga operasyon kasabay ng pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado, kaya mahigpit nilang binabantayan ang mga mapagsamantalang gawain.
Sa Ligao City, Albay, isang entrapment operation ang nagresulta sa pagkakaaresto ng isang negosyante matapos mahulihan ng mahigit 1,600 litro ng gasolina, tanker truck, at iba pang kagamitan na may halagang higit P2 milyon.
Sa Guinobatan, Albay naman, apat na indibidwal kabilang ang gas station owner ang inaresto dahil sa operasyon nang walang kaukulang permit. Nasamsam dito ang humigit-kumulang 1,600 litro ng fuel na nagkakahalaga ng P2.32 milyon.
Sa Masbate, isang lalaki ang naaresto matapos umanong magbenta ng gasolina sa bote-bote sa isang tindahan, kung saan nakumpiska ang mga bote at container na naglalaman ng 90 litro ng gasolina.
Sinasampahan na ng kaso ang mga suspek sa paglabag sa mga batas laban sa ilegal na distribusyon at hoarding ng fuel.
Giit ng PNP-Bicol, magpapatuloy ang kanilang operasyon laban sa mga lumalabag at hinihikayat nila ang publiko na i-report ang kahina-hinalang bentahan ng gasolina sa mga awtoridad.
Trending
- Claudine Barreto na-ospital
- Jilliar Ward pagod na, kailangan ng pahinga
- “A Perfect Marriage” nina Kim at Paulo pasok sa “Magic 8”
- Atletang Pilipino, ready na sa 5th Asian Para Games sa Nagoya
- Marlon “Marvelous Captain” Manalo sabak sa Qatar World Cup 10 Ball
- Anak ginahasa, nadakip
- Pintor minolestiya ang paslit, dinakip
- TATAY GINAHASA ANG ANAK AT APO, ARESTADO

