Nilinaw ng Department of Education (DepEd) nitong Martes na mahigit 2,000 permanenteng security guard ang kasalukuyang nakatalaga sa mga pampublikong paaralan sa buong bansa.
Inilabas ng DepEd ang paglilinaw matapos ihayag ni Education Secretary Sonny Angara ang plano nitong humiling ng karagdagang plantilla positions para sa mga security guard sa Department of Budget and Management (DBM) kasunod ng mga naganap na karahasan sa ilang paaralan.
Ayon sa DepEd, ang naunang pahayag ni Angara tungkol sa pagbawas ng school-level security positions sa mga nakaraang rationalization program ay inilahad lamang upang ipakita ang kasalukuyang kalagayan ng staffing.
Batay sa Department of Budget and Management-Government Manpower Information System (DBM-GMIS) noong Abril 24, mayroong 2,494 awtorisadong permanenteng posisyon para sa mga security guard sa DepEd. Sa bilang na ito, 2,242 ang napunan habang 252 ang nananatiling bakante.
“DepEd remains committed to coordinating closely with the DBM to secure the necessary funding and authorization for additional school-level security personnel, thereby ensuring a safe and secure learning environment for all learners and personnel nationwide,” ayon sa ahensya.
Tiniyak din ng DepEd ang patuloy na pakikipag-ugnayan nito sa mga local government unit at Philippine National Police sa pagpapatupad ng mga hakbang sa seguridad sa humigit-kumulang 48,000 pampublikong paaralan sa buong bansa.
====
Trending
- Imee nakakaawa, bulag sa katotohanan – -Malacañang
- Kabataan nakagawa ng heinous crimes ihiwalay ng kulungan
- Higit 2,000 sekyu sa 48,000 iskul
- Karahasan sa iskul, konektado sa mga bayolenteng grupo
- Marcoleta, kumpiyansang mababasura lang plunder case laban sa kanya
- PBBM bumyaheng Canada sa kabila ng INC rally
- Bagyong nasa labas ng PAR magiging super typhoon sa susunod na linggo
- Digong sa mga protesta sa ‘Pinas: Ipagpatuloy n’yo ‘yan

