Isinama ng Federal Bureau of Investigation (FBI) sa pinakabago nitong “Top 10 Most Wanted Fraudsters” list ang isang Filipino-American na nahatulan sa isang $34 milyon o higit P2 bilyong bingo fraud scheme sa Guam.
Ayon sa FBI, si Alyas  Marasigan, 48, na may dual citizenship sa United States at Pilipinas, ay hinahanap dahil sa umano’y paglabag sa mga kondisyon ng kanyang pretrial release.
Batay sa imbestigasyon, si Marasigan at iba pang mga akusado ay sangkot sa panlilinlang sa mga manlalaro ng Hafa Adai Bingo ng Guam Shrine Club sa pamamagitan ng maling claim na mapupunta sa pagpapagamot ng mga batang pasyente sa Hawaii ang kanilang mga kontribusyon.
Lumabas sa kaso na nakalikom ang operasyon ng hindi bababa sa $34 milyon mula Marso 2015 hanggang Disyembre 2021, at ayon sa FBI, mahigit $10.7 milyon sa mga nalikom ang umano’y nailihis para sa personal na pakinabang ng mga sangkot.
Noong Mayo 2025, napatunayang guilty si Marasigan sa mga kasong wire fraud, money laundering, at pagpapatakbo ng iligal na sugalan.
Pinayagan siyang bumiyahe sa Pilipinas para sa medikal na dahilan ngunit hindi na umano bumalik sa Guam at tumigil sa pakikipag-ugnayan sa korte noong Hunyo 2025.
Dahil dito, nagpalabas ang US District Court sa Guam ng arrest warrant laban kay Marasigan noong Hunyo 25, 2025.
Nanawagan ang FBI sa sinumang may impormasyon tungkol sa kanyang kinaroroonan na makipag-ugnayan sa ahensya, sa pinakamalapit na embahada o konsulado ng US, o magsumite ng impormasyon sa pamamagitan ng kanilang online tip system.

Share.