Tumapos na 3rd place sa Long Duathlon (55-59 Age Group) sa katatapos lang na T100 Triathlon World Tour Singapore ang dating mamamahayag at kasalukuyang public relations consultant na si Virgilio “Gil” Bugaoisan.
Itinuturing na isa sa pinakamahigpit at pinakamahirap na karera sa circuit ang T100, kung saan kinailangang tapusin ni Bugaoisan ang format na binubuo ng 9.5-kilometrong pagtakbo, 65-kilometrong pagbibisikleta at 9.5-kilometrong pagtakbo.
Hindi naging madali ang kampanya para sa manager ng Team Harkor. Ang bike leg ng karera ay puno ng mga teknikal na hamon, kabilang ang paulit-ulit na ahon sa “Sheares ascent” at mga madalas na U-turns na nagpahirap sa mga siklista na makahanap ng kanilang rhythm.
Umabot sa mahigit 400 metro ang kabuuang elevation gain ng ruta na sumubok sa tatag ng bawat kalahok.
Dahil sa matinding pagod, nakaranas si Bugaoisan ng matinding cramps sa gitna ng bike leg. Sa kabila nito, pinili niyang ipagpatuloy ang laban sa pamamagitan ng tamang pag-manage ng kanyang kondisyon.
Ani Bugaoisan, isa ito sa pinakamahirap na karerang sinalihan niya.
“The climbs on the bike just kept taking more from the legs every lap, and the U-turns made it hard to settle in. When the cramps hit, it became a fight just to keep going. I’m grateful I was able to hold on and finish strong enough for a podium,” saad niya.
Labis naman ang pagmamalaki ng Team Harkor sa ipinamalas na dedikasyon at diskarte ng kanilang manager.
Ayon sa koponan, ang tagumpay ni Bugaoisan ay patunay ng kanilang core values: ang perseverance at competitive grit partikular na sa global competitions tulad ng T100 series.

Share.