Anim na indibidwal ang naaresto matapos salakayin ng mga awtoridad ang isang hinihinalang drug den na nagresulta rin sa pagkakasamsam ng hinihinalang shabu sa Brgy. San Juan Accfa, Cabanatuan City, Nueva Ecija.
Kinilala ng Philippine Drug Enforcement Agency Nueva Ecija Provincial Office sa pamumuno ni Provincial Officer Jenlyn dela Cruz ang mga naaresto sa kanilang mga alyas na Lyn Lyn, 26-anyos, JM 23, Dan, 34, Rian, 29, Binoy, 18 at Tonyo, 22-anyos.
Nasamsam mula sa ikinasang operasyon ang siyam na transparent plastic sachet na naglalaman ng tinatayang labing-isang gramo ng shabu, bukod pa sa iba’t ibang drug paraphernalia at buy-bust money.
Matapos ang berepikasyon sa mga sumbong mula sa ilang konsernadong mamamayan at surveillance ng mga ahente, pinangunahan ang drug raid ng pinagsanib na pwersa ng PDEA Nueva Ecija, Nueva Ecija Police Provincial Office at Cabanatuan City Police Station na pinamumunuan ni Chief of Police Lt. Col. Renato Morales.
Nahaharap ang mga nasakote sa mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at nakapiit sila ngayon sa Custodial Facility ng kapulisan sa lunsod ng Cabanatuan.(Danilo Gravador)

