Arestado ang isang 27-anyos na lalaki matapos umamin sa pagpatay sa isang graduating nursing student sa San Antonio, Nueva Ecija.
Una nang iniulat bilang hinihinalang suicide ang insidente ng pagkamatay ni Ann Puline Fajardo y Villamea, 21-anyos, sa Brgy. Sto. Cristo, San Antonio, noong Setyembre 6, 2026, dakong alas-11:20 ng umaga.
Natagpuan ang biktima na wala nang buhay sa ilalim ng kanyang kama sa loob ng kanilang bahay, na may kumot na nakapulupot sa kanyang leeg.
Pero napansin ng mga rumespondeng operatiba ang ilang kahina-hinalang pangyayari sa lugar kaya agad silang humingi ng tulong sa Scene of the Crime Operations (SOCO) para sa masusing pagsusuri sa crime scene.
Sa isinagawang imbestigasyon, natuklasan ding nawawala ang iPhone 16 Plus ng biktima na tinatayang nagkakahalaga ng ₱66,990.
Isinailalim din sa autopsy ang labi ng biktima at ayon sa death certificate na inilabas matapos ang pagsusuri, ang sanhi ng pagkamatay ay “Asphyxia by Strangulation” o pagkamatay dahil sa pagsakal.
Sa tuloy-tuloy na follow-up investigation, CCTV backtracking at paggamit sa “Find My” feature ng iCloud account ng biktima, natunton ng mga awtoridad ang nawawalang cellphone at natukoy ang taong may hawak nito.
Dahil dito, naaresto ang 27-anyos na suspek, na kabarangay ng biktima at residente rin ng Barangay Sto. Cristo.
Sa kanyang Extra-Judicial Affidavit/Confession, na isinagawa sa tulong ng kanyang abogado nitong Setyembre 7, inamin ng suspek ang kanyang naging papel sa pagkamatay ng biktima.
Ayon sa kanyang salaysay, nagpunta siya sa bahay ng biktima dakong alas-4:30 ng madaling araw noong Setyembre 6 upang manghiram ng ₱5,000.
Napag-alamang nauwi sa pagtatalo ang kanilang pag-uusap matapos sabihin ng biktima na hindi siya makapagpapahiram ng nasabing halaga.
Inamin ng suspek na sinaktan niya ang biktima at sinakal gamit ang kanyang dalawang kamay hanggang sa mawalan ito ng buhay.
Matapos umano niyang mapagtantong patay na ang biktima ay tinangka niyang palabasing suicide ang insidente sa pamamagitan ng pagtali ng kumot sa leeg nito at pagkakabit sa bahagi ng kama.
Sa naging salaysay ng suspek sa mga imbestigador ay inamin din niyang kinuha niya ang cellphone ng biktima.
Batay sa crime scene findings, resulta ng autopsy, CCTV investigation, cellphone tracking at pag-amin ng suspek, sinabi ng San Antonio Municipal Police Station na may sapat na batayan upang ituring ang insidente bilang Murder, sa halip na suicide.
Nakipag-ugnayan na rin ang pulisya sa Nueva Ecija Provincial Legal Office para sa kaukulang kasong kriminal na ihahain laban sa suspek.(Danilo Gravador)

