Hindi lamang sa Norway o sa mga host na bansa ng 2026 FIFA World Cup ramdam ang kasikatan ng football star na si Erling Haaland.
Hindi man nakapasok ang pambansang koponan ng Peru sa World Cup, ipinagdiriwang pa rin ng mga magulang doon ang torneo sa pamamagitan ng pagpapangalan sa kanilang mga bagong silang na sanggol sa mga sikat na manlalaro ng football.
Ayon sa ulat, mula raw nang magsimula ang World Cup, daan-daang sanggol na ang ipinangalan sa pambato ng Norway na si Haaland.
May 559 na sanggol ang nakarehistrong may pangalang hango kay Haaland — 468 sa mga ito ang ginamit ang “Haaland” bilang pangalan habang 91 na sanggol naman ang binigyan ng buong pangalang “Erling Haaland”.
Ayon kay Ivan Torres, tagapagsalita ng civil registry sa Peru, normal na sa kanilang kultura na maging inspirasyon ang mga sikat na atleta sa pagpapangalan ng kanilang mga anak.
Hindi raw ito ang unang pagkakataon na nagkaroon ng ganitong trend sa kanilang bansa.
Sa talaan ng kanilang National Registry of Identification and Civil Status, libo-libong Peruvian ang may pangalang hango sa iba pang football icons gaya nina Neymar (Brazil) 33,809; Messi (Argentina) 3,402 (kasama ang 292 na “Lionel Messi”); at Cristiano Ronaldo (Portugal) 1,185.
Hindi naman nagpatalo ang bansang Mexico, kung saan isang sanggol ang nag-viral dahil sa napakahaba at kakaibang pangalan niya na pinagsama-samang Haaland at Mexico stars — si Baby Quiñona Ysisidra Morita Haaland Guevara.
Ang pangalan daw ni Baby Quiñona ay hango kay Haaland, at kina Julián Quiñones at Gilberto Mora, na mga sikat na manlalaro ng Mexico.
Nagmula naman ang middle name ng sanggol sa “¿Y Si Si?” (What if?) phrase, na tanyag na linya o hinihiyaw ng mga Mexican fan sa gitna ng kompetisyon.
Ipinapakita lamang daw nito na walang kapantay ang pagmamahal at hilig ng Latin America pagdating sa larong football.
====

Share.