Isang court sheriff na nasangkot sa isang kontrobersyal na insidente kay Vice President Sara Duterte noong 2011 ang kabilang sa mga testigong ihaharap ng House prosecution panel sa nalalapit na impeachment trial laban sa Pangalawang Pangulo.
Batay sa pre-trial brief na inihain ng mga prosecutor sa Kamara, kabilang si Abe Andres sa walong testigong inaasahang magbibigay ng testimonya kaugnay ng mga alegasyon laban kay Duterte, kabilang ang umano’y pagbabanta laban sa buhay ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.,  at iba pang matataas na opisyal ng pamahalaan.
Si Andres ay ang sheriff na nagpapatupad ng demolition order sa isang pinag-aagawang lupain sa Barangay Soliman, Agdao District sa Davao City noong 2011 nang magkaroon ng komprontasyon kay Duterte, na noo’y alkalde pa ng lungsod.
Sa naturang insidente, nagtamo umano siya ng mga suntok sa mukha at likod at kalaunan ay isinugod sa ospital.
Ayon sa House prosecution team, mahalagang bahagi ng kanilang ebidensiya ang testimonya ni Andres upang suportahan ang kanilang argumento na may potensyal umano si Duterte na gumamit ng karahasan.
Bukod kay Andres, nakalista rin bilang mga testigo ang ilang miyembro ng law enforcement agencies at mga mamamahayag na tumalakay o nakasaksi sa mga pangyayaring may kaugnayan sa mga reklamong isinampa laban sa bise presidente.
Inaasahan na ang usapin hinggil sa umano’y banta laban sa Pangulo at iba pang matataas na opisyal ang magiging isa sa mga unang tatalakayin ng prosekusyon sa paglilitis.
Ayon sa kanila, makatutulong ito upang maipakita ang kabuuang lawak ng mga alegasyong naging batayan ng impeachment complaint laban sa bise presidente.
Patuloy namang hinihintay ang susunod na mga hakbang sa impeachment proceedings habang naghahanda ang magkabilang panig para sa paglilitis sa Senado.
Samantala, habang isinusulat ang artikulong ito ay wala pang pahayag si VP Sara hinggil sa nakatakdang pagtestigo ni Andres laban sa kaniya.

Share.