Walang kupas ang tandem nina Coco Martin, Julia Montes, ha! Na ramdam mong ang sinimulan nilang CocoJuls serye na ‘Walang Hanggan’ noong 2012 ay buhay na buhay pa rin, at ang lakas pa ring magpakilig.
Sabi nga, iba rin ang chemistry nila, na tinginan pa lang, parang may ibig sabihin na, at mapapangiti, kikiligin ka na lang talaga.
Nabigyan nga ako ng pagkakataon na mapanood ang unang dalawang episode ng bago nilang serye na ‘Sigabo’ at grabe na agad ang kilig sa kanila.
Kasi naman, unang eksena pa lang na magkaharap sina Coco at Julia, umaatikabong ‘tukaan’ na agad, ha!
Iba rin kasi ang kapilyuhan ng karakter ni Coco bilang si Gabo, na sinamantala ang kabaitan ng karakter ni Julia, ha! Na walang kamalay-malay, na ang lalaking sini-CPR (Cardiopulmonary Resuscitation) at mouth-to-mouth resuscitation niya ay nilalaplap na pala siya, ha! Kaloka si Coco, di ba? Ang taba ng utak!
Well, makikita nga ang mga video na habang pinalalabas ang eksenang `yon ay tila hiyang-hiya si Julia na nakakapit sa braso ni Coco. At si Coco, napakalaki ng mga ngiti, na tagumpay na tagumpay talaga sa eksenang `yon, ha!
Sabi nga ng mga nakasaksi, parang naluha si Julia sa kilig sa eksena nila ni Coco.
“Ang sweet nila. Baka langgamin na sila.”
“Feel na feel mong kilig na kilig si Julia kay Coco.”
“Clingy si Julia kay Coco.”
“Lagi silang magkahawak, hindi nagbibitaw, ang sweet talaga nila.”
“Grabe ang kilig ni Julia. Grabe rin kasi humalik si Coco.”
“Ang sweet ni Julia kay Coco. Ramdam mong natagpuan na nila ang forever nila.”
Well, hindi lang naman ang nakakalokang dikitan ng mga labi nina Coco at Julia ang mapapanood sa ‘Sigabo’ dahil sa totoo lang, grabe pa rin talaga si Coco!
Ibang klase pa rin ang mga pasabog niya, ha! Alam na alam niya kung paano paangatin ang puwet sa upuan ng mga manonood, dahil sa mga action scene niya, lalo na `yung sa kanila ni Jhong Hilario, ha!
Anyway, first 2 episodes pa lang, matinding bakbakan na ang ipinamalas nila, ha!
Alam na alam talaga ni Coco na hindi niya puwedeng tipirin ang mga manonood niya ng mga matitinding aksiyon, na nakasanayan na sa kanya. At `yun nga agad ang binigay niya, na talagang makatotohanan ang mga tadyak sa mukha, leeg, katawan.
Hindi mo nga bibitawan ang mga eksena na ginawa ni Coco. Na sa simula ay pinakita muna kung gaano siya aping-api, na kahit gusto niyang magbagong buhay, ang sistema sa paligid ang nagdadala sa kanya sa kapahamanak.
At siyempre, kering-keri ni Coco ang mala-superhero na eksena, na kahit sangkatutak ang kalaban ay kaya niyang pabagsakin, ha!
May mga eksena rin sa ‘Coco Martin’s Sigabo’ na tatak-Tondo, ha! Tulad na lang ng eksena na kung saan ay bumili, kumain si Coco ng ‘pagpag’ o mga tira-tirang manok sa mga restoran, na hinuhugasan lang, niluluto ulit, para makain.
At nagulat lang ako sa mga eksena na may mga gumagawa ng mineral water na galing lang sa gripo, at patis, na kung ano-ano lang ang sangkap, na mandidiri ka, ha!
Hindi ako sure kung totoo ang prosesong `yon, pero wakeup call `yon sa akin, na baka nga ang mga nabibili nating ganung produkto ay ganun lang ginagawa, kaya dapat lang na maging maingat tayo.
Anyway, noong makaharap ko naman si Jhong ay hindi ko talaga napigil na sabihin sa kanya ang mga linyang, ‘Grabe ka, nakakabuwisit ka, nakakainit ka ng dugo’.
“Sorry po! Sorry po!” tawang-tawa na sabi naman ni Jhong.
Anyway, humamig agad ng 404,124 peak concurrent viewers ang ‘Sigabo’ sa YouTube.
====
Trending
- Spain, tinambakan ang Saudi Arabia, 4-0
- Kaibigan ni Divine Adili nakiusap na itigil pagpapakalat ng fake news, AI images
- BINI, JK, Vice, pasok sa partial list of winners ng 17th Star Awards for Music!
- Coco Martin nilaplap nang husto Julia Montes
- Angeline, college graduate na
- Kampo ni VP Sara itinangging kinopya witness list ng prosekusyon
- Simulation activities ng automated election system para sa BPE, isasagawa ng Comelec
- ICC, binalaan mga abogado vs media comments sa Duterte case

