Hindi lamang umano si Executive Secretary Ralph Recto ang target ng sinasabing “honeytrap” scheme na iniuugnay kay Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste kundi maging ang mga senador na sina Chiz Escudero, Kiko Pangilinan at magkapatid na Erwin at Raffy Tulfo.
Ayon sa ulat ng Politiko, isang impormante ang nagsabing maaaring napili umano sina Escudero at Pangilinan dahil sa kanilang pagiging asawa ng mga kilalang personalidad sa showbiz — si Escudero kay Heart Evangelista at si Pangilinan kay Sharon Cuneta.
Samantala, sinabi ring maaaring naging target ang magkapatid na Tulfo dahil sa kanilang kasikatan at public image.
Nauna nang iniulat ng Politiko na si Recto umano ang pangunahing target ng naturang operasyon.
Ayon sa alegasyon, isang talent manager na si Lito de Guzman ang diumano’y kinasangkapan sa pamamagitan ng dating kongresistang si Jing Paras upang maghanap ng mga babaeng maaaring gamitin sa pang-aakit sa mga opisyal ng gobyerno at ilagay sila sa kompromisong sitwasyon bago palabasing mga kliyente.
Bukod kay Recto, iniulat din na kabilang umano sa mga posibleng target sina Interior Secretary Jonvic Remulla, Ombudsman Jesus Crispin Remulla, Cabinet Secretary Benhur Abalos, Public Works Secretary Vince Dizon at Information and Communications Technology Secretary Henry Aguda.
Nabunyag ang umano’y operasyon matapos arestuhin ng National Bureau of Investigation si De Guzman sa isang entrapment operation sa isang hotel sa Maynila.
Kasalukuyang sinusuri ng mga imbestigador ang kanyang cellphone na maaaring naglalaman umano ng mga mensaheng may kaugnayan sa ni Paras sa sinasabing pakana scheme.
Kapwa na itinanggi nina Leviste at Paras ang anumang pagkakasangkot sa naturang alegasyon.
Inaasahan namang magpapadala ang NBI ng mga subpoena sa dalawa habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
====

Share.