Posibleng magkaroon ng malaking rollback sa presyo ng mga produktong petrolyo sa unang linggo ng Hunyo, ayon sa isang source mula sa industriya ng langis.
Batay sa Mean of Platts Singapore (MOPS) at foreign exchange averages sa nakalipas na apat na araw ng trading, inaasahang bababa ang presyo ng diesel ng P6.50 hanggang P7.50 kada litro. Maaari namang mabawasan ang presyo ng gasolina ng P3.50 hanggang P4.50 kada litro.
Ayon sa source, bumababa ang pressure sa presyo ng krudo at refined fuel products dahil sa positibong pananaw na mas lumalapit sa kasunduan sa kapayapaan ang Estados Unidos at Iran, at sa posibilidad na muling mabuksan ang Strait of Hormuz. Sinabi rin nito na humuhupa ang kakulangan sa suplay ng diesel habang nakakahanap ang mga refinery ng alternatibong pinagkukunan ng krudo.
Inaasahan ding mananatiling limitado ang galaw ng presyo ng gasolina sa Asya ngunit maaari pa itong bumaba dahil sa mga kamakailang pangyayari sa Gitnang Silangan.
Karaniwang inaanunsyo tuwing Lunes ang opisyal na pagbabago sa presyo ng langis at ipinapatupad ito kinabukasan. Noong nakaraang Martes, tumaas ang presyo ng gasolina ng P1.60 kada litro, diesel ng P1.96 kada litro, at kerosene ng P1.45 kada litro.
Gayunman, sinabi ng source na nananatiling may panganib sa suplay at demand ng langis dahil mahigpit pa rin ang pandaigdigang merkado ng gasolina at patuloy na bumababa ang mga imbentaryo.

Share.