Aminado ang aktres na si Belle Mariano na hindi niya isinasantabi ang mga komento sa social media lalo na kung makatutulong ito sa kanyang pagganap, pero natutunan na rin niyang salain ang mga negatibong puna.
Sa panayam sa “Oh My Gan!” ibinahagi ni Belle na ginagamit niya ang constructive criticism upang mas mapahusay ang kanyang mga susunod na proyekto.
“I have read some and parang paano ko iibahin yung role kong next. I reflect, sometimes if it matters like parang dini-differentiate ko na yung mga kapag troll iyan or bashers, hayaan mo na sila or if it’s someone na genuine yung comment, that’s what I take into heart and I reflect on it,” ani Belle.
Nakatakdang bumida ang aktres sa panibagong proyekto kasama si Donny Pangilinan na pinamagatang “Tayo Sa Wakas,” kung saan aminado siyang may kaba pa rin sa bawat bagong role.
“May kaba pa rin… the struggle is you want to differentiate your characters from one another. Matakot ka kapag wala na yung kaba,” saad niya.
Para kay Belle, dalawang mukha ang social media, may mabuti at may masama kaya mahalagang matutong pumili kung alin ang papakinggan.
“Given social media, I think there’s two sides, double-edge sword siya… you just really need to learn how to differentiate what’s good for you and what’s not,” paliwanag niya.
Dagdag pa ng aktres, hindi niya hinahayaan na maapektuhan ng online negativity ang kanyang personal na buhay, lalo na ang oras para sa pamilya, kaibigan, at mga tagasuporta.
Aminado rin si Belle na hindi mawawala ang bashers sa digital world, ngunit mahalagang manatiling matatag sa sarili.
“The bashing… never-ending naman… but by the end of the day, just know who you are,” aniya.
Hinimok din niya ang publiko na maging responsable sa paggamit ng social media, lalo na sa pagbibigay ng komento.
“I feel like we have to be more responsible in what we put out there,” dagdag pa niya.
Sa kabila ng lahat, lubos ang pasasalamat ni Belle sa kanilang fans ni Donny, na aniya’y higit pa sa simpleng supporters.
“More than supporters, para silang nagiging family na rin namin… nakakatuwa na nakikita ko iyon,” ani Belle.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng respeto online, lalo na sa gitna ng fan wars at paghahambing sa ibang artista.
“Everyone is a role model in the social media world… it’s just important that we remind ourselves to put good content out there instead of spreading negativity,” saad niya.

Share.