MATAGUMPAY na nailigtas ng pulisya sa tiyak na kamatayan ang 20-anyos na babaing nasa mapanganib na lugar at nagbabalak tumalon sa ibabaw ng footbridge Lunes ng madaling araw sa Valenzuela City.
Nagsasagawa ng pagpapatrulya ang mga tauhan ni Valenzuela police chief P/Col. Joseph Talento sa kahabaan ng East Service Road sa Barangay Canumay East pasado 4:00 ng madaling araw nang lapitan sila ng dalawang concerned citizen upang ipabatid ang posibleng masamang balak ng babaeng nasa mapanganib na lugar sa ibabaw ng footbridge ng Canumay West.
Kaagad na nagtungo sa lugar sina PMSg Rocky Badajos at PSSg Jayson Jamosin na kapuwa nakatalaga sa Valezuela Police Sub-Station 1 at inabutan nila ang babae na nagpapakita ng pagkabalisa at tila wala sa sarili habang nasa delikadong lugar ng tulay na tawiran.
Hindi kaagad gumamit ng puwersa ang mga pulis at sa halip, mahinahon at malumanay nilang kinausap ang babae at hinimok na huwag ituloy kung ano man ang masama niyang balak,
Habang nasa maselang sitwasyon, nakasilip ng pagkakataon ang mga pulis nang mahablot at mahawakan nila ang babae upang mailayo sa mapanganib na lugar ng tulay.
Sa tulong ng mga nagmamasid na kalalakihan sa kaganapan at mga tauhan ng barangay, nailayo at nailigtas nila ang babae sa kabila ng ginawang pagpiglas at pagtangging mailayo sa lugar.
Nang mapakalma na ang babae, dinala na siya ng pulisya, sa tulong ng mga opisyal ng barangay, sa Barangay 3S Center ng Canumay West para sa agarang tulong at karagdagang pagsusuri na pangangasiwaan ng Female Desk Officers.
Sinabi ni Col. Talento na bibigyan ng angkop na atensiyong suporta at karagdagang interbensiyon sa naturang Center ang babae upang maalis ang kanyang pagkabalisa at hindi mag-isip ng masama na maglalagay sa panganib sa kanyang buhay.
Dagdag pa ng opisyal, ang ganitong uri ng mga insidente ay patunay lamang ng pagtupad sa tungkulin ng Valenzuela police na hindi lamang nakatuon sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan, kundi maging sa pagbibigay ng proteksyon sa buhay at kapakanan ng bawat mamamayan, lalu na ang mga dumaranas ng pagkabalisa.
Binigyang papuri naman ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili ang ipinamalas na mahinahon at mabilis na aksiyon ng mga tauhan ng Valenzuela police sa pagtugon sa mga delikadong sitwasyon. (Edison de Jesus)

