Inihayag ni Palace Press Officer Claire Castro na walang isinampang reklamo ang pamahalaan laban sa mga Pilipinong nagprotesta at umano’y nambastos sa kanya sa isinagawang opisyal na pagbisita ni Pangulong Bongbong Marcos sa Canada.
Sa panayam nitong Martes, Hulyo 7 sinabi ni Castro na iginagalang ng gobyerno ang karapatan ng bawat isa sa malayang pagpapahayag ng kanilang opinyon, kaya’t hindi na nila itinuloy ang anumang legal na aksiyon laban sa mga nagprotesta.
“Wala kaming finile na complaint,” ani Castro.
Ayon pa sa kanya, bagama’t nabigla siya sa inasal ng ilang demonstrador, pinili nilang balewalain ang pangyayari dahil inisip nilang bahagi lamang ito ng isang protesta.
Hindi rin umano niya inaasahan na magba-viral sa social media ang mga video ng insidente.
Gayunpaman, nagpahayag si Castro ng pagkadismaya sa naging asal ng ilan sa mga nagprotesta.
“Hindi lang namin inaasahan na magiging gano’n kawalang-galang ang mga Pilipino na nandoon sa ibang bansa. Sabi nga natin puwede naman sila magsalita pero huwag lang ‘yung ipapanalangin na mamatay ang isang tao at mumurahin ka na mga ilang beses,” saad niya.
Nilinaw rin ni Castro na wala siyang impormasyon kaugnay ng mga ulat na maaaring maharap sa kaso o deportasyon sa Canada ang ilan sa mga nagprotesta.
Aniya, ang usaping ito ay nasa saklaw na ng Department of Foreign Affairs kung kinakailangan.
======
Trending
- Kahandaan ng Filipinas sa 2027 FIFA Women’s World Cup siniguro ni coach Torcaso
- Cool Smashers masusubok ang lakas
- Heart, nakalabas na sa ospital, may pinatamaan
- Bea, iniikot ang Asia, unaffected sa isyu nila ni Vincent
- Dolly, winner bilang kambal sa Avatar: The Last Air Bender!
- Hiling ni Revilla makadalo sa burol ng utol, tinabla
- Viray kasamang akusado ni Marcoleta, arestado na
- BOC, pinahaharap sa pagdinig sa oil smuggling

