Naaresto ng mga awtoridad ang isang lalaki na isinumbong na may kahina-hinalang kilos at kargado ng baril  sa Brgy. Caysio, Santa Maria, Bulacan kamakalawa ng gabi.
Ayon sa ulat ni PLt.Colonel Mark Louie M Sigua, hepe ng Santa Maria MPS, na ipinadala kay PColone Jay B Baybayan, acting provincial director ng Bulacan Police Provincial Office, kinilala ang naarestong suspek na si alias Ron, 37 taong gulang na residente ng Northville 5A, Brgy. Caysio, Santa Maria, Bulacan.
Batay sa paunang imbestigasyon, habang nagsasagawa ng Oplan Galugad na  kaugnay ng JBM (Joint Police-BPATs Mobilization)ang mga tauhan ng Santa Maria MPS kasama ang mga kinatawan ng Barangay Caysio, isang concerned citizen ang lumapit sa mga nagpapatrolyang pulis at nag-ulat hinggil sa isang lalaking may dalang baril sa loob ng isang itim na sling bag. 
 
Agad na sumugod ang mga operatiba sa lugar at isinagawa ang kaukulang police intervention.
Sa isinagawang pagberipika, nakuha mula sa sling bag ng suspek ang isang caliber .45 revolver, Armscor, na may serial number 795148, at isang magazine na naglalaman ng dalawang live ammunition na caliber .45. 
 
Nabigo rin ang suspek na magpakita ng legal na dokumentong nagpapatunay sa kanyang awtoridad na magmay-ari o magdala ng nasabing baril.
Dahil dito, inaresto ang suspek at ipinaalam sa kanya ang kanyang mga karapatang konstitusyonal alinsunod sa Miranda Doctrine. 
 
Ang suspek at mga nakumpiskang ebidensya ay dinala sa Santa Maria MPS para sa kaukulang documentation at proper disposition. 
 
Isasailalim naman sa ballistic examination ang mga nakumpiskang ebidensya sa Bulacan Provincial Forensic Unit.
Inihahanda na ang kaukulang criminal complaint laban sa suspek para sa paglabag sa Republic Act No. 10591, o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, na ihahain sa Office of the Provincial Prosecutor sa Malolos City, Bulacan.(DGravador)
Share.