Pinasok ng magnanakaw ang bahay ng Rocksteddy vocalist at TV host na si Teddy Corpuz, ayon sa ulat ng Quezon City Police District nitong Huwebes, Mayo 7.
Kinilala ang suspek na si Jerome Masbate, isang residente sa lugar.
Noong Linggo ng madaling-araw, Mayo 3 ninakawan ng 24-anyos na suspek ang bahay sa Quezon City ng “It’s Showtime” host.
Natangay ng kawatan ang ilang personal na gamit, kabilang ang isang iPad at ilang alahas.
Huling na-monitor ang suspek sa Doña Isidora Street sa Barangay Holy Spirit.
Natunton ng mga awtoridad ang suspek sa Barangay Holy Spirit nang makuha ang CCTV footage at screenshot ng lalaki.
Ayon sa QCPD, agad silang nakipag-ugnayan sa isang lokal na lider ng komunidad na siyang tumulong sa pagtukoy at pagtungo sa bahay ng suspek. Kinumpirma rin ng ina ng suspek na ang lalaking nasa CCTV ang kanyang anak.
Sa isang video na inilabas ni Corpuz, sinabi niyang naibalik na ang ninakaw na iPad nang isuko ng kapatid ng magnanakaw sa mga awtoridad.
Ayon sa kanya, tinawagan ng suspek ang kapatid at sinabi kung saan niya itinago ang gadget. Gayunman, hindi pa naibabalik ang ilang alahas na kabilang sa mga ninakaw.
“Okay lang ‘yun kasi mura lang naman ‘yung mga singsing. Hindi naman totoo ‘yung mga singsing na ‘yun,” ani Corpuz.
Dagdag pa niya, umaasa siyang mahuli ang suspek at hinikayat ang publiko na maging mapagmatyag sa ganitong uri ng krimen.
Ayon sa pulisya, isinampa na ang reklamo laban sa suspek para sa paglabag sa Article 299 ng Revised Penal Code o Robbery in an Inhabited House.
May dati na rin umanong kasong robbery ang suspek noong 2018 at paglabag sa Republic Act No. 10591 o Firearms and Ammunition Regulation Act.

Share.