Napuno ng pasasalamat si Ate Gay matapos makatanggap ng panibagong magandang balita tungkol sa kanyang kalusugan.
Ibinahagi ng komedyante sa Instagram na wala nang nakitang bukol sa kanyang ilong at leeg base sa pinakahuling resulta ng kanyang MRI, kaugnay ng kanyang laban sa stage 4 mucoepidermoid carcinoma.
“Ang ganda ng Doktora ko oh (Dra. Jaeme Fernandez) at magandang balita wala na akong bukol sa ilong at Leeg result ng MRI,” masayang pahayag ni Ate Gay.
Ayon pa sa kanya, apat na immunotherapy sessions na lamang ang natitira at tuluyan na niyang matatapos ang gamutan.
“4 na lang na immuno (every 21 days) ay tapos na… salamat po sa Dasal at sa mga Anghel ko,” saad niya.
Matatandaang na-diagnose si Ate Gay ng isang bihira at agresibong uri ng cancer matapos siyang tubuan ng malaking bukol sa kanang bahagi ng kanyang leeg.
Malaki rin ang naitulong ng isang supporter na nagbigay sa kanya ng libreng tirahan malapit sa ospital upang maging mas magaan ang kanyang pagpapagamot.
Sa gitna ng kanyang laban sa sakit, hindi rin itinago ng komedyante ang kanyang matinding pananampalataya.
“Tumagal pa ang buhay ko, na kailangan ko pang malibot ang buong mundo para magpasaya ng mga tao,” sey ni Ate Gay.
Dagdag pa niya, Diyos lamang ang kanyang pinanghawakan sa buong proseso ng kanyang pagpapagaling.
“Kumapit po ako sobra (sa Diyos). Ibinigay ko na po ang aking kaluluwa sa Kanya, ang aking sarili, mapagaling lang po ako,” dagdag nito.

Share.