Nanawagan si Senate President Alan Peter Cayetano nitong Sabado, Mayo 23 para sa impartial investigation sa shooting incident sa Senado noong nakaraang linggo.
Sa Facebook live, sinabi ni Cayetano na ang insidente ay dapat na tugunan nang may propesyonalismo.
“Let’s deal with it professionally. Let’s have an independent investigation. Let’s wait for all of the results,” ani Cayetano.
“In the meantime, let us show the Filipino people that the Senate is the Senate,” dagdag pa niya.
Nauna nang sinabi ni PNP Criminal Investigation and Detection Group chief Police Major General Robert Morico II na wala silang nakitang pag-atake sa Senado, batay sa imbestigasyong isinagawa.
Aniya, ang paggamit ng warning shot ng mga tauhan ng Office of the Sergeant-at-Arms (OSAA) ay hindi pinapayagan sa umiiral na panuntunan ng private security services at sa ilalim ng police operational procedures.
Ani Morico, walang nakitang unlawful aggression sa hanay ng tauhan ng NBI na sangkot sa insidente.
Inirekomenda ng CIDG ang paghahain ng reklamo laban kay suspended acting Senate Sergeant-at-Arms Mao Aplasca at dalawa iba pang tauhan ng Senate security.
Hinimok naman ni Cayetano ang mga lider na tumutok na sa pagtugon sa mga isyu ng bayan kabilang ang healthcare, edukasyon at tumataas na cost of living.
Ipinunto niya rin ang mga isyu sangkot ang PhilHealth, access sa mga gamot, hospital capacity, tuition, at availability ng mga scholarship.
Sinabi pa ni Cayetano na may mga kinakaharap ding pagsubok ang mga transport workers, kabilang ang mga jeepney, taxi, at ride-hailing drivers, at ang mga nakatira sa remote o island communities.
May mga ipinunto rin si Cayetano sa naturang live sa social media sa isyu ng ekonomiya, peso-dollar exchange rate, at iba pa na nangangailangan umano ng kooperasyon sa mga lider.
“When the problem is extraordinary, the solutions must also be extraordinary.”
Dahil dito ay nanawagan si Cayetano ng unity.
“We have to have extraordinary unity,” sinabi pa niya.
Nagbabala naman si Cayetano sa publiko sa agarang paniniwala sa mga naratibo sa social media at sinabing ang mga tinig online ay hindi agad-agad nangangahulugan ng tamang impormasyon.
“Paulit-ulit nang napatunayan na ang mas maiingay… hindi ibig sabihin ay sila ang tama,” aniya.

Share.