Isang madulas na kawatan ang nasakote ng pulis nang magising ang may-ari ng bahay sa loob ng isang compound sa Valenzuela City, kamakalawa ng gabi.
Mahaharap sa reklamong Robbery with Force Upon Things at paglabag sa R.A. 10591 o Comprehensive Law on Firearms and Ammunition ang suspek na si alyas “Buboy”, 21, sa Valenzuela City Prosecutor’s Office.
Sa ulat ni Valenzuela police chief P/Col. Joseph Talento kay NPD Director P/BGen. Benliner Capili, alas-11 ng gabi nang makita ng 65-anyos na lolo ang suspek habang kinukuha ang mamahalin niyang mga alahas sa loob ng walk-in closet na nasa tabi lang ng kanyang silid matapos siyang magising sa ingay na nilikha ng pagbubukas ng door-knob.
Sa pangamba sa kanyang buhay, hindi ginambala ng biktima ang suspek at sa halip ay tinawagan ang anak sa kabilang bahay sa loob ng compound na kaagad nakahingi ng tulong sa nagpapatrulyang tauhan.
Nang matunugan ng suspek ang pagdating ng mga pulis, tinangka niyang tumakas paakyat sa ika-apat na palapag ng bahay at lumabas sa bukas na sliding window na kanyang pinasukan bago umakyat sa bubong kung saan siya nasukol ng mga parak.
Nakuha sa suspek ang isang walang serial number na kalibre .22 magnum revolver na kargado ng bala habang nabawi sa loob ng kanyang sling bag ang Rolex watch na nagkakahalaga ng P400,000, Charriol watch na P100,000 ang halaga at P800,000.00 halaga ng assorted na alahas na pag-aari ng biktima.(Roger Panizal)
Â

