Nais ni Manny Pacquiao, boxing icon at mahilig sa chess, na magkaroon ng mas maraming Filipino grandmasters sa mga susunod na taon bilang bahagi ng kanyang pamana sa larong kanyang minamahal.
Isang bagong grupo ng chess, na sinuportahan ng iba’t ibang sektor ng lipunan, ang tumugon sa panawagan ni Pacquiao upang itaas ang antas ng chess sa bansa.
Itinatag ang National United Chess Federation of the Philippines (NUCFP) at iniluklok si Pacquiao bilang chairman, na agad nakatanggap ng malawak na suporta mula sa komunidad na naghahangad ng pagbabago.
“We want to leave a legacy to the sport by unifying the community first. We’ve seen so much talent in the country. We have heard the sentiments and frustrations of our fellow athletes. I want to help and contribute,” ani Pacquiao nitong Sabado.
Nagpahayag ng suporta si Wesley So, Filipino super grandmaster na ngayo’y naglalaro para sa US, at handang tumulong sa anumang pangangailangan ng bagong grupo.
Gayundin, sina GM Rogelio Barcenilla Jr., Julio Catalino Sadorra, John Paul Gomez, at dose-dosenang iba pang titled players ay nagpahayag ng intensyon na mag-ambag sa chess community.
“Count us in,” ayon kina So, Barcenilla, Sadorra, at Gomez sa magkakahiwalay na pahayag.
Maraming Filipino masters ang lumisan ng bansa upang maghanap ng mas magandang oportunidad. “Gutom sa Pilipinas,” ayon sa isang National Master na ngayo’y nasa Thailand.
Tinanggihan ni Pacquiao ang posisyon bilang vice president na inalok ng NCFP, ang kasalukuyang pambansang chess federation na pinamumunuan ni Prospero Pichay sa loob ng 20 taon.
Ang huling grandmasters na iniluwal ng NCFP ay sina Oliver Barbosa at Richard Bitoon noong 2011. Si Daniel Quizon ay ginawaran ng GM title noong 2024, na malaking utang na loob sa yumaong Cong. Pidi Barzaga na nagpondo sa training grounds sa Dasmariñas, Cavite.
Si Wesley So, na lumisan ng bansa para sa mas magandang oportunidad, ay tahasang nagsabing corruption ang pangunahing dahilan ng pagkahinto ng pag-unlad ng chess sa Pilipinas.
“I hope we could bring those talents back to the Philippines,” ani Pacquiao, na sa pamamagitan ng kanyang Pacman Chess Association (PCA) sa General Santos City ay nagsasagawa ng lingguhang torneo.
Gayunman, nakaranas din ng retribution ang PCA mula sa NCFP matapos tanggihan ni executive Orly Ortega ang plano ni Pichay na pamahalaan ang cash-rich international tournament ni Pacquiao noong Pebrero.

