Inilunsad ng Department of Science and Technology (DOST) ang kauna-unahang innovation hub sa National Capital Region sa Colegio de Muntinlupa noong Abril 17, bilang bahagi ng pagpapalakas ng innovation at entrepreneurship sa timog Metro Manila.
Tinawag na iHub, magsisilbi itong open-access pre-incubation platform kung saan maaaring paunlarin ang mga ideya ng mga estudyante, mananaliksik, at micro, small, and medium enterprises (MSMEs) tungo sa mga praktikal na solusyon at startup.
Saklaw ng proyekto ang tinatawag na MUNTAPARLAS area—Muntinlupa, Taguig, Pateros, Parañaque, at Las Piñas—at mag-aalok ng mga programa tulad ng idea development, validation, capacity building, at networking.
Ayon sa DOST, layunin ng iHub na tulungan ang mga innovator na mapino ang kanilang ideya at matukoy ang tamang merkado, habang binibigyan sila ng access sa mentors at industry experts.
Kasabay ng paglulunsad ng iHub, tumanggap din ang lokal na pamahalaan ng Muntinlupa ng Mobile Command and Control Vehicle (MoCCoV), isang high-tech disaster response unit na dinebelop ng DOST.
Ang MoCCoV ay may weather monitoring system, rescue drone, satellite communication, at iba pang kagamitan para sa mas mabilis at koordinadong pagtugon sa mga sakuna.
Ayon kay Rozzano Rufino Biazon, malaking tulong ito upang mapalakas ang kakayahan ng lungsod sa pagresponde sa mga emergency.
Sa kabuuan, ipinapakita ng proyekto ang pagtutok ng pamahalaan sa paggamit ng agham at teknolohiya hindi lamang sa negosyo at innovation, kundi pati sa disaster preparedness.
Trending
- Lacson umaray sa banat na nadobleng yaman
- ‘Forgiveness clause’ sa rape cases sa Penal Code, ipinatatanggal
- Beripikasyon ng DPWH sa Taguig, kinuwestiyon
- China kinondena sa Senado vs pananakit sa PN personnel sa Ayungin Shoal
- Pasay LGU ‘highly-compliant’ sa 2025 Manila Bay Clean-up
- P85 wage hike sa NCR walang suspensyon, tuloy-tuloy
- Marcoleta hiniling makaboto sa impeachment
- Salceda, itinalagang Kalihim ng PLLO

