Naglabas ng El Niño alert ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) matapos matukoy ang mataas na posibilidad na mabuo ang naturang weather phenomenon mula Hunyo hanggang Agosto at magtuloy hanggang unang bahagi ng 2027.
Ayon sa PAGASA, may 79 porsiyentong tsansa ng El Niño sa nasabing panahon, na maaaring magdulot ng mas tuyong kondisyon kaysa karaniwan, kabilang ang dry spells at tagtuyot sa ilang bahagi ng bansa.
Gayunman, sinabi ng ahensya na maaari pa ring makaranas ng above-normal rainfall sa kanlurang bahagi ng bansa sa panahon ng southwest monsoon o Habagat.
Ang El Niño ay inilalarawan bilang cooler-than-average sea surface temperatures sa Philippine Sea at warmer-than-average temperatures sa Central at Eastern Equatorial Pacific.
Sa press conference, sinabi ni PAGASA Administrator Nathaniel Servando na mahigpit nilang binabantayan ang sitwasyon upang makapaglabas ng kinakailangang advisories sa publiko.
Aniya, maaaring maapektuhan ng below-normal rainfall ang sektor ng enerhiya, agrikultura, at water resources.
Sinabi rin ni PAGASA Climate Monitoring and Prediction Section chief Analiza Solis na inaasahang magsisimula ang El Niño sa mahinang antas.

 

Share.