Pinag-aaralan na sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na ipatupad din sa mga 4-wheel ng mga ride hailing app company ang pagbabawas komisyon na ipinapatupad sa kanilang motorcycle (MC) taxi riders.
Ito ang nabatid kay House ways and means committee chairman at Marikina Rep. Miro Quimbo, upang hindi lamang ang mga MC taxi riders ang matulungan sa gitna ng krisis sa langis kundi maging ang mga 4-wheels drivers ng mga ride hailing apps companies.
“Pinag-aalan na natin iyan,” ani Quimbo lalo na’t lumabas sa joint hearing ng Legislative Energy Action and Development (LEAD) council na naniningil lang ng 10 percent ang In Drive habang sa ibang kumpanya ay 20% pataas ang kinakaltas sa kanilang mga driver-partners.
“Gusto nating gamitin ang experience ng In Drive para itanong natin sa may mga four-wheels din po. Kasi ang pagkakaalam ko po ang Move It may grab car so iko-compare natin. Ang alam ko po ang Joy Ride merong na ring four-wheels,” ani Quimbo.
“We want to see if the great experience of In Drive ay kaya bang gawin din ng ibang four-wheels,” dagdag pa ng mambabatas.

Sa nakaraang pagdinig ng LEAD Council, inatasan ng mga kongresista ang mga ride hailing apps na bababaan ang sinisingil ng mga ito na komisyon sa kanilang mga MC taxi dahil tanging ang mga ito ang nagdudusa sa mataas na presyo ng langis.
Ipinaliwanag ng mambabatas kailangang magsakripisyo din ang mga ride hailing apps companies dahil wala umano ang mga ito kung wala ang kanilang riders subalit sa sitwasyon aniya ngayon, hindi nababawasan ang kita ng mga ito habang ang kanilang mga riders ay nagdudusa.
Dahil dito, sinabi ni Quimbo na dapat magkusa ang mga kumpanyang ito na magbawas ng komisyon dahil kung hindi ay mapipilitan ang Kongreso na gumawa ng batas para itakda kung magkano ang dapat na komisyon na sisingilin lamang ng mga ito.

Share.