Nahaharap sa reklamong kriminal ang isang may-ari ng bahay at ang kanyang kasabwat nang mag-viral ang video na nagpapakita ng ilegal at sapilitang pagtanggal ng metro ng kuryente sa isang subdivision sa Rodriguez, Rizal.
Nagpapakita ang insidente na naganap noong Abril 8 sa isang lalaking pilit na binabaklas ang electric meter sa kabila ng pagtutol ng nakatira sa bahay.
Sa video, maririnig ang occupant na iginigiit na wala siyang utang sa Meralco, habang ang lalaki tanging “napag-utusan lang po” ang naging sagot bago tuluyang umalis bitbit ang metro.
Sa imbestigasyon ng Meralco, lumabas na inutusan ng may-ari ng bahay ang lalaki na baklasin ang metro dahil sa hindi umano nagbabayad ng renta at utilities ang nakatira rito.
Agad rumesponde ang Meralco at ibinalik ang serbisyo ng kuryente sa biktima.
Ani Meralco Vice President at Head of Corporate Communications Joe Zaldarriaga, pag-aari ang mga metro ng kompanya at hindi ng may-ari ng bahay.
Nitong Huwebes, Abril 16, pormal nang isinampa ng Meralco ang reklamong malicious mischief sa Rizal Provincial Prosecution Office laban sa dalawang sangkot.
“Nais naming paalalahanan ang publiko na mahigpit na ipinagbabawal ang pagtanggal at paninira ng mga metro namin. Iyan ay pagmamay-ari po ng Meralco at ang anumang hindi awtorisadong pagtanggal o pagsira nito ay labag sa batas at may kaukulang pananagutan,” giit ni Zaldarriaga.

Share.