Arestado ang 38-anyos na lalaki nang maaktuhan na may hawak ng baril sa isinagawang anti-criminality low-visibility patrol ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) Station 4 sa Barangay San Bartolome, Novaliches, Quezon City nitong Biyernes ng gabi, March 27.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Michael John Villanueva, station commander ng Novaliches Police, nakasalubong ng mga operatiba ang lalaki habang naglalakad at may hawak na baril. Agad siyang nilapitan ng mga operatiba at sinita.
“Balak pa sanang itago. Hindi niya alam ‘yung mga lumapit sa kanya ay mga pulis pala kasi nga naka plain clothes lang sila. Hinanapan siya ng mga dokumento, wala siyang maipakita,” sabi ni PLtCol. Villanueva.
Inaresto ang lalaki at kinumpiska ang caliber .38 revolver na kargado ng bala.
“Pina-ballistic na rin namin ‘yung baril baka sakali kasi nagamit na ito sa ibang krimen. ‘Yung area kasi na ‘yun na pinaghulian niya may mga history na kasi ng robbery hold-up, theft,” ani Villanueva.
Napag-alamang residente ng Cabuyao, Laguna ang suspek na dayo lamang sa Quezon City.
Naging matipid naman ang lalaki nang tanungin kung saan nakuha ang baril.
“May bibisitahin lang po sana na kamag-anak. Wala na po akong masasabi,” sabi ng suspek.
Nakakulong na sa custodial facility ng QCPD Station 4 ang suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Trending
- South Korea, comeback win laban sa Czechia
- Garcia, Carlsen tabla sa ASEAN Esports Chess Cup
- Dating X-Men actor na si Tyler Mane, may breast cancer
- ‘Tawag ng Tanghalan’ mamamahinga muna – Vice Ganda
- Jeric Gonzales: 50-anyos bebot ipinalit kay Rabiya
- Mayor Magalong hinamon pangalanan ‘90% corrupt’ na kongresista
- Karamihan ng Pinoys, gustong manirahan sa ibang bansa
- 3,500 iskul sarado pa rin sa Mindanao quake

