Arestado ang isang professional basketball player nang manghalik at makipag-away sa loob ng isang bar sa Bonifacio Global City, Taguig, Sabado ng madaling araw.
Ayon sa 22-anyos na biktima, nagkasalubong sila ng suspek sa smoking area nang bigla umano siyang hilahin at halikan nito nang walang pahintulot. Agad umano niya itong isinumbong sa kanyang nobyo.
Kinompronta ng nobyo ang manlalaro, na ayon sa kanya tila lasing na lasing na. Nauwi sa pisikalan ang komprontasyon, kung saan nagtamo ng sugat sa mata ang nobyo ng biktima. Humingi naman ng tulong ang magkasintahan sa mga awtoridad.
Sa imbestigasyon ng Taguig City police, napag-alamang dati nang nasangkot sa iba’t ibang kaso ang player, kabilang ang paglabag sa Anti-Violence Against Women and their Children Act noong 2016 at 2018, at kasong kidnapping at failure to return a minor noong 2021.
Sa kabila umano ng pagtatangkang makipag-areglo, nanindigan umano ang magkasintahan na ituloy ang reklamo.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Taguig City police ang suspek at haharap sa mga kasong acts of lasciviousness at physical injuries.

Share.