Hindi na umabot ng buhay sa Caloocan City Medical Center sanhi ng tinamong mga tama ng bala sa katawan ang biktimang si alyas “John”, 28, at residente ng Libis Talisay, Brgy., 12, ng lungsod.
Patuloy namang pinaghahanap ng mga tauhan ni Caloocan Police Chief P/Col. Joey Goforth ang suspek na si alyas “Maton”, ng Heros Del, Brgy., 73, at sa hindi pa kilalang kasabwat nito.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya at base sa kuha ng CCTV camera sa 10th Avenue, Brgy., 15, sakay ang biktima sa kanyang motorsiklo nang pagbabarilin ng mga suspek na magkaangkas sa isang puting PCX motorcycle pagsapit sa harap ng Judicial Complex dakong alas-10:00 ng gabi.
Matapos ang insidente, mabilis na tumakas ang mga suspek sa hindi natukoy na direksyon habang isinugod naman ang biktima sa nasabing pagamutan subalit, hindi na rin umabot ng buhay.
Kaagad namang nagsagawa ng follow up operation ang mga tauhan ng Police Sub-Station 3 subalit, hindi nila naaresto ang mga suspek habang nakuha ng rumespondeng mga tauhan ng NPD-FU sa lugar ng pinangyarihan ng insidente ang anim basyo ng bala mula sa cal. 45, isang fired bullet at isang metallic fragment.
Sa pahayag ng live-in partner ng biktima na si alyas “Dianne” sa pulisya, ilang araw bago ang pamamaslang ay pinagbantaan ng isang alyas “Maton”, residente ng Heroes del 96, Brgy. 73, ang biktima matapos pagbintangan na may kagagawan sa pagkaka-aresto sa isang alyas “Jefrey” na may kasong may kaugnayan sa ilegal na droga.

