SWAK sa kulungan ang  isang sigang  lalaki na nangingikil umano sa mga tricycle driver nang maaktuhan ng mga nagpapatrolyang pulis sa Navotas City, kahapon ng hapon.
Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Christopher Dela Cruz, sinabi ni Navotas Police Chief P/Col. Renante Pinuela, dakong alas-5:50 ng hapon, habang nasa Road 10, ang 28-anyos na biktima nang lapitan ng 26-anyos na suspek na residente ng Brgy., NBBS Proper.
Hiningian umano ng suspek ang biktima ng pera subalit, nang walang maibigay ay nagalit ito at naglabas ng sumpak bago itinutok sa tricycle driver sabay pinagbantaang.
Sa labis na takot, tumakbo ang biktima at humingi ng tulong sa mga tauhan ng Navotas Police Sub-Station 4 na nagpapatrolya sa lugar na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek.
Nakumpiska ng pulis sa suspek and isang improvised firearm na kargado ng isang bala at nang hanapan siya ng legal na dokumento hinggil sa nasabing baril ay wala siyang naipakita.
Ayon sa pulisya, sinampahan nila ang suspek ng kasong Grave Threats at paglabag sa R.A 10591 o Illegal Possession of Firearms.(Roger Panizal)
 
Share.