Nasamsam ng mga awtoridad ang mga substandard na solar lights at panels na nagkakahalagang P357,000 sa isinagawang operasyon ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa KK-SKY Consumer Goods Trading sa Barangay Panghulo, Obando.
Ayon sa CIDG Bulacan Field Unit, isinagawa ang law enforcement operation dahil sa paglabag sa Republic Act No. 7394, o Consumer Act of the Philippines.
Ang inisyatiba ay bahagi ng Oplan Olea na humantong sa pagkakaaresto sa dalawang suspek at pagkumpiska ng mga ipinagbabawal na produktong solar.
Naaresto ang mga suspek na kinilalang sina Mary at Angel, kapuwa empleyado ng tindahan, habang nagbebenta at nangangalakal ng mga substandard na solar lights at panels.
Binigyang-diin ng CIDG na ang estado ay ipinag-uutos na protektahan ang mga mamimili mula sa hindi ligtas na mga produkto, itaguyod ang pangkalahatang kapakanan, at tiyakin ang wastong mga pamantayan para sa negosyo at industriya.
Binigyang-diin pa ng ahensya na kabilang sa proteksyon ng consumer ang pag-iingat sa publiko laban sa hindi makatwirang panganib ng pinsala mula sa mga mapanganib na produkto.
Kinumpirma ng Department of Trade and Industry (DTI) na substandard at hindi ligtas para sa publiko ang mga nasamsam na produkto.
Ang mga naarestong indibidwal ay mahaharap sa mga kaso sa National Prosecution Service dahil sa paglabag sa Article 10 (Injurious, Dangerous and Unsafe Products) at Article 18 (Prohibited Acts) ng Consumer Act.(Dell Gravador)

Share.