ISANG 49-anyos na lalaki na sinasabing drug pusher ang swak sa kulungan matapos maaresto ng pulisya sa ikinasang buy bust operation sa Valenzuela City, Huwebes ng madaling araw.
Sa ulat ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, nakatanggap ng impormasyon ang Station Drug Enforcement Unit (SDEU) hinggil sa umano’y illegal drug activities ni alyas “Atan” na residente ng Caloocan City.
Dumadayo pa umano ang suspek sa lungsod sakay ng kanyang motosiklo para magbinta ng ilegal na droga kaya nang magawang makipagtransaksyon sa kanya ng isa sa mga operatiba ng SDEU, ikinasa ang buy bust operation sa pangunguna ni P/Lt. Sherwin Dascil, sa koordinasyon sa PDEA.
Kaagad pinosasan ang suspek matapos umanong bintahan ng P8,500 halaga ng shabu ang isang pulis na nagpanggap na buyer dakong alas-12:30 ng madaling araw sa C. Molina St., Barangay Veinte Reales.
Nakumpiska sa kanya ang humigi’t kumulang 20 grams ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P136,000, buy bust money na isang tunay na P500 bill at 8-pirasong P1,000 boodle money, P200 cash, driver’s license, brown sling bag at gamit niyang motosiklo.
Kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 ang isasampa ng pulisya laban sa suspek sa Valenzuela City Prosecutor’s Office. (Roger Panizal)

