TIMBOG ang pusakal na kriminal na wanted sa napakaraming kaso sa iba’t ibang lalawigan sa Central Luzon, Ilocos Region, at Metro Manila makaraang matunton ng Northern Police District (NPD) Lunes ng gabi sa Pasig City.
Kilalang madulas ang 43-anyos na pugante kaya’t binuo ng pulisya ang Case Operation Plan (COPLAN) Dacallos Criminal Group na pinangunahan ni NPD Director P/BGen. Benliner Capili, kasama mga pulis mula sa mga lalawigan ng Pampanga, Bulacan, Tarlac, Bataan, at Pangasinan, na nagresulta sa pagkakadakip sa akusadong si alyas “Palos” dakong alas-7:30 ng gabi sa Ortigas Avenue Ext. malapit sa Oasis Residences, Brgy. Santa Lucia, Pasig City.
Sa ulat ni BGen. Capili kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Officer-in-Charge P/BGen. Christopher Abrahano, wanted sa maramihang bilang na kasong Robbery, paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition and Regulation Act, Illegal and Unlawful Possession, Manufacture, and Dealing of Firearms, at New Anti-Carnapping Law sa iba’t-ibang hukuman ang naarestong miyembro ng kilabot na grupong kriminal.
Ilan lamang sa mga bitbit na warrant of arrest ng kapulisan na isinilbi sa akusado ang mula sa Regional Trial Court (RTC) Branches 19, 12, at 15 ng Malolos, Bulacan, Branch 68 ng Camling Tarlac, Branch 175 ng San Mateo, Rizal, Branch 306 ng Quezon City, Branch 93 ng Balanga, Bataan, at Branch 43 ng Dagupan City Pangasinan para sa nabanggit na mga kaso.
Ayon kay BGen. Capili, ilang mga kasong kinakaharap ng akusado ay may nakalaang piyansa na mula P48,000 hanggang P300,000 kada bilang, maliban pa sa kinakaharap niyang kasong anti-carnapping.
Pansamantala namang ipiniit muna sa Custodial Facility ng Caloocan Police Station ang akusado habang pinoproseso ang pagbabalik sa mga hukuman sa iba’t-ibang lalawigan ng mga warrant of arrest (Edison de Jesus)

