NAPALAYA sa ilalim ng programang “Bilis Laya” ang 43 persons deprived of liberty (PDLs) sa kauna-unahang kasaysayan ng Bureau of Corrections (BuCor).

Layunin ng inisyatiba na pabilisin ang pagsusuri at pagproseso ng mga kaso at dokumento ng mga kwalipikadong PDL,para masiguro na ang mga karapat-dapat na makalaya ay hindi naaantala nang hindi kinakailangan.

Lumahok ang mahigit 200 abogado sa programa, na nagbigay ng legal assistance at nagsuri sa mga rekord at kaso ng mga PDL.

Dahil sa kanilang pagsisikap, natapos ng Kawanihan ang assessment at release process para sa 43 benepisyaryo sa loob lamang ng isang araw.

Ayon kay BuCor Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr. ito ay walang kapantay sa tulong ng mga volunteer lawyers at sa tulong ni First Lady Louise Araneta-Marcos.

Inilarawan ni BuCor director ang milestone na ito bilang isang makabuluhang hakbang tungo sa pagpapabuti ng access sa hustisya at pagsusulong ng mahusay na serbisyong pang-koreksyonal.

Mahalaga ang programa at kahalagahan ng pagtutulungan sa pagitan ng mga ahensya ng gobyerno, mga legal professional, at iba pang stakeholders sa pagtugon sa mga hinaing ng mga nakakulong.

Inaasahang magpapatuloy ang programang Bilis Laya sa pagtulong sa mga kwalipikadong PDL na maaaring mapalaya sa pamamagitan ng maayos na pagsusuri at pagkumpleto ng mga legal na dokumento. (Gina Garcia)

Share.