BUMISITA si First Lady Louise “Liza” Araneta-Marcos sa New Bilibid Prison bilang suporta ng administrasyon sa mga programang makatao para sa persons deprived of liberty (PDLs), nitong Martes.
Sinabi ni Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Pio Catapang Jr., ang pagbisita ay kasabay ng programang may temang “Kulay, Kalinga, Katarungan at Kalayaan,” para sa pagtugon sa iba’t ibang pangangailangan ng mga PDL.
Kasama dito ang painting lessons, libreng legal assistance, ang PagLaya Programme,dermatology medical mission, at ang Katarungan Caravan.
“Your visit reminds us that behind every prison wall are individuals who, despite their past mistakes, remain deserving of dignity, compassion, and opportunities for meaningful transformation,”pahayag ni BuCor director Catapang sa Unang Ginang.
Ipinaliwanag ng director na ang bawat salita sa tema ay kumakatawan sa mahalagang bahagi ng misyon ng BuCor.
Ang “Kulay” ay sumisimbolo sa pagkamalikhain at personal na transpormasyon, habang ang “Kalinga” ay sumasalamin sa responsibilidad ng gobyerno na magbigay ng makataong pagtrato, pangangalagang pangkalusugan, at malasakit.
Ang “Katarungan” ay binibigyang-diin ang access sa hustisya at karapatang legal, habang ang “Kalayaan” ay kumakatawan sa pag-asang makabalik sa lipunan bilang mga repormado at produktibong mamamayan.
Sinuportahan ang programa ng mga kinatawan mula sa Department of Justice (DOJ), hudikatura, Integrated Bar of the Philippines (IBP), mga katuwang na ahensya, mga abogado, medical professionals, volunteers, at mga kawani ng BuCor.
Kabilang sa mga dumalo sina Sandiganbayan Associate Justice Karl Miranda, Commission on Audit Chair Gamaliel Cordoba, TESDA Deputy Director General Felizardo Colambo, Special Envoy Kathryna Yu-Pimentel,Patrick Larraga ng BELL KENZ PHARMA, Grace Vera Cruz at Booey Bonifacio ng Grab, Kei Laurel ng Frabelle, Dr. Aivee Teo at Dr. Z Teo ng Aivee Beyond Borders, at mga pintor na sina Joey De Leon at Dr. Liping Zheng. (Gina Garcia)

