NAAKTUHANG may dalang parcel ang isang 18-anyos na lalaki na naglalaman ng tinatayang halagang ₱3,831,800.00 iligal na droga, sa isinagawang follow-up operation sa Barangay Pio Del Pilar, Makati City, Sabado ng gabi.
Si alyas “Michael,” residente ng Barangay Pio Del Pilar, Makati City, ay isailalim sa inquest proceedings sa Makati City Prosecutor’s Office sa paglabag sa Sections 5 at 26, ng Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).
Base sa ulat, isinagawa ang operasyon ng alas 10:00 ng gabi ng Oktubre 17, 2026,kasunod ng natanggap na ulat ng Station Investigation and Detective Management Section (SIDMS) kaugnay sa isang parcel na umano’y naglalaman ng ilegal na droga.
Itinuro ng isang impormante ang nakita niyang parcel na binuksan umano ng suspek na naglalaman ng white crystalline substance na hinihinalang shabu sa Santuico at Facundo Streets.
Ang suspej ay namataan ng mga operatiba Station Drug Enforcement Unit (SDEU) at SIDMS na nagtangka pang tumakas kaya hinabol at nakorner sa Javier St., Brgy. Pio Del Pilar.
Nakumpiska ang humigit- kumulang 563.5 gramo ng hinihinalang shabu.
“Malaking halaga at dami ng suspected illegal drugs ang ating nasabat sa operasyong ito, bilang bahagi ng ating patuloy na pagsisikap na pigilan ang pagkalat ng droga sa ating mga komunidad. We will continue to intensify our anti-illegal drug operations and strengthen our partnership with the public to hold those involved in the illegal drug trade accountable. Our goal is to make our communities a safer place to live, work, and do business,” pahayag ni Southern Police District Director P/Brig. Gen. Rodel Pastor.(Gina Garcia)

