Nakatakdang tumuntong sa world stage ang mga batang Filipino skills champions upang katawanin ang bansa sa 48th WorldSkills Competition sa Shanghai, China mula Setyembre 22 hanggang Setyembre 27, 2026.

May kabuuang 11 delegado ang Pilipinas na mula sa tagumpay sa pambansang kompetisyon ay haharap naman sa pandaigdigang hamon, kasunod ng kanilang pormal na send-off sa closing ceremony ng WorldSkills Philippines Clark 2026 sa Pampanga noong nakaraang linggo.

Makikipagtagisan ang mga Filipino competitor sa 10 skill areas, katuwang ang kani-kanilang eksperto na magbibigay ng teknikal na gabay at suporta habang hinaharap nila ang mga batang skilled professional mula sa iba’t ibang bansa.

Kumpiyansa si TESDA Secretary Kiko Benitez sa Philippine delegation at binigyang-diin ang pagkakataon ng mga competitor na maipakita ang world-class na kakayahan ng kabataang Filipino.

“Our competitors carry with them their talent, and the pride and aspirations of the Filipino people. Sila ang Gilas at ang Alex Eala natin sa skills. Through WorldSkills International, they demonstrate that Filipino talent can compete and excel at the highest level,” ani Sec. Kiko.

“WorldSkills is more than a competition. It is a platform for our young skilled professionals to learn from the best, raise the standards of excellence, and demonstrate the value of skills in building meaningful careers and a stronger workforce,” dagdag ng TESDA chief.

Kinakatawan ng Pilipinas sina Bea Hermosora sa Bakery; Aliyah Chiecel Fernandez sa Beauty Therapy; James Cavin Sayago sa Electrical Installations; Hannah Krystelle Caintic sa Graphic Design Technology; Carlos Antonio Delos Reyes sa Hotel Reception; Roy Jhun Padecio sa ICT Network Infrastructure; Abraham Badar at Roneil Arriesgado sa Mechatronics; Alexis Joseph Anuta sa Plumbing and Heating; Agxille Jade Langamin sa Refrigeration and Air Conditioning; at Lianna Kryzelle Verana sa Restaurant Service.

Mahigit 1,400 batang skilled professional mula sa mahigit 70 bansa at rehiyon sa buong mundo ang magtitipon sa Shanghai, China upang makipag-kompetensya sa 64 skill areas sa WorldSkills Competition Shanghai 2026.

Tampok sa pandaigdigang kompetisyon ang talento, kasanayan, at dedikasyon ng mga batang propesyonal habang ipinapakita nila ang kanilang kakayahan sa kani-kanilang larangan.

Sa temang “Master Skills, Change Your Future,” magsisilbing pandaigdigang plataporma ang WorldSkills Competition Shanghai 2026 para maikumpara ng mga competitor ang kanilang kasanayan sa international standards, makapagpalitan ng kaalaman at karanasan, at maipakita ang mahalagang papel ng skills sa paghubog ng mga karera at oportunidad sa hinaharap.

Ang paglahok ng TESDA sa mga pandaigdigang skills competition sa Section 30 ng Republic Act No. 7796 o TESDA Act of 1994. Itinatakda nito ang tungkulin ng ahensya, kasama ang aktibong partisipasyon ng pribadong industriya, na mag-organisa at magsagawa ng Annual National Skills Olympics upang itaguyod ang de-kalidad na skills development sa bansa bilang paghahanda sa pakikilahok sa international skills competitions.

Karamihan sa mga kinatawan ng Pilipinas sa WorldSkills Competition ngayong taon sa China ay mga medalist din sa WorldSkills ASEAN Manila 2025 at WorldSkills Asia Taipei 2025, na nagpapakita ng patuloy na paglahok at pagganap ng bansa sa mga pandaigdigang skills competition.

Kabilang sa Philippine delegation sina Head of Delegation Secretary Kiko Benitez; Official Delegate Deputy Director General Vidal Villanueva III; Official Observer DDG Gallo Glino III; Technical Delegate Regional Director Jovencio Ferrer, Jr.; at Technical Delegate Assistants Executive Director David Bungallon at Engr. Dexter Hulleza, kasama ang iba pang official observers.

Ang paglahok ng Pilipinas sa WorldSkills Shanghai 2026 ay direktang tumutugon sa pangunahing direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na palakasin ang global competitiveness ng Filipino workforce at isulong ang institutionalization ng world-class standards sa technical-vocational education and training.(Gina Garcia)

 

Share.