NATIMBOG ang isang investment scammer sa entrapment operation ng National Bureau of Investigation (NBI) kasunod ng reklamong ginagamit ang isang pekeng Notice of Award (NoA) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), iniulat nitong Biyernes.
Batay sa NBI-Special Action Unit (SAU) ang suspek na si alyas “Yhang” ay nahuli sa loob ng isang tanggapan ng gobyerno sa Zen Tower Building, sa Ermita, Maynila,nang tumanggap ng entrapment money mula sa mga undercover agents na nagpanggap na mga interesadong investor.
Ang operasyon ay nagsimula matapos ang isang sumbong mula sa mamamayan kaugnay sa isang NoA na ginagamit ng suspek upang ilegal na makalikom ng mga high-yield investment mula sa publiko.
Sa beripikasyon, naglabas ng sertipikasyon ang DSWD – National Capital Region (NCR), na peke ang NoA at walang rekord sa kanilang procurement.
Modus ng suspek gamit ang Facebook group na manghikayat ng investor na may 10% balik o kita sa Welfare Employees Multipurpose Cooperative (WEMC).
Nakakuha umano ng malalaking kontrata mula sa DSWD-NCR ang kooperatiba at ang NoA ay nakapangalan sa kanya.
Nahuli ang suspek nang makipagkita sa undercover agent na nagkunwaring interesado.
Mahaharap ang suspek sa reklamong Falsification by Private Individuals sa ilalim ng Article 172 ng Revised Penal Code, na may kaugnayan sa Section 6 ng Republic Act No. 10175 (Cybercrime Prevention Act of 2012).
Nagbabala muli si NBI Director Atty. Melvin Matibag sa publiko sa mga kahina-hinalang high-yield investment na iniaalok sa social media.
Pinayuhan niya ang mga mamamayan na direktang i-verify sa mga kaukulang ahensya ang anumang claims na may kaugnayan sa transaksyon o solicitation ng gobyerno. (Gina Garcia)

