NAGBABALA ang Bureau of Corrections (BuCor) laban sa dalawang pekeng BuCor e-recruitment website na nagpapanggap bilang official BuCor online platform.

Pinaalalahanan ng BuCor ang publiko at sa mga interesadong aplikante na huwag maniwala sa dalawang mapanlinlang na recruitment website na nagpapanggap.

Ang babala ay para maiwasan na mabiktima ng scam ng mga pekeng website na nagpapanggap na lehitimong e-recruitment system ng ahensya, ani BuCor Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr.

Aniya, ang lahat ng transaksyon sa recruitment ay sa pamamagitan lamang ng bucor.gov.ph, o sa iba pang awtorisadong communication channels.

Tinukoy ni Catapang ang pekeng website —e-bucor-rms.vercel.app at bucor-recruitment.online — na nag-aangking kumakatawan sa e-recruitment system ng BuCor ngunit wala namang opisyal na kaugnayan sa ahensya.

Nagsagawa ng open-source intelligence (OSINT) investigation upang beripikahin ang mga site na ito. Ang una, na naka-host sa Vercel at gumagamit ng Next.js na may Supabase backend, ay nagpapahintulot sa mga aplikante na magrehistro, mag-log in, at mag-recover ng password.

Sa kabila ng mga gumaganang feature, walang natukoy na developer o organisasyon, at nananatiling hindi alam ang eksaktong petsa kung kailan ito inilunsad, ani Catapang.

Ang domain ng ikalawang site, ang bucor-recruitment.online, ay kamakailan lamang nairehistro at protektado ng privacy services na nagtatago sa pagkakakilanlan ng nagparehistro.

Naka-host ito sa InterServer Inc., habang ang pagrerehistro ay pinangasiwaan ng Hostinger Operations, UAB.

Kinumpirma ng Recruitment at IT departments ng BuCor na peke ang parehong website at binigyang-diin na wala silang kaugnayan sa mga platform na ito, dagdag pa ni Catapang. (Gina Garcia)

Share.