Walong suspek ang naaresto matapos mabigo ng mga awtoridad ang tangka nilang pagnanakaw sa isang pawnshop sa Santa Ignacia, Tarlac kamakalawa, Setyembre 4, 2026.
 
Ayon sa ulat  na ipinadala kay PRO3 Director PBGeneral Jess B Mendez, bandang alas-10:30 ng umaga, rumesponde ang mga tauhan ng Santa Ignacia MPS matapos na ma-activate at maiulat sa 911 ang alarma ng establisyimento sa Romulo Highway, Barangay Poblacion West sa Santa Ignacia. 
 
Nang inspeksyonin, natuklasan ng mga rumespondeng tauhan ang isang butas malapit sa roll-up door at natuklasan na ginamit ng mga suspek ang drainage system ng highway para makapasok sa establisyimento.
 
Sa isinagawang follow-up operation ng mga operatiba ang humantong sa pag-aresto sa limang suspek na naaktuhang papatakas palabas sa parehong drainage system. 
 
Sa patuloy na  imbestigasyon ay natiyempuhan ng mga operatiba ang tatlo pang kasamahan ng mga suspek na nag-aabang sakay ng isang Isuzu Elf truck sa Barangay Población East, na nagresulta sa kanilang pagkakaaresto habang isinasagawa ang isang hot pursuit operation.
 
Narekober sa operasyon ang isang improvised pistol, tatlong hand grenade, isang rifle grenade, walong sachet ng pinaghihinalaang shabu, ang Isuzu Elf truck, at iba’t ibang kagamitang ginamit sa tangkang pagnanakaw.
 
Sinabi ni PBGen Mendez na hindi lamang napigilan ng operasyon ang pagnanakaw kundi inalis din ang mga potensyal na mapanganib na armas at pampasabog sa komunidad.
 
Ang mga suspek ay sumasailalim na ngayon sa mga kaukulang legal na proseso habang patuloy ang pinaigting na operasyon ng PRO3 laban sa kriminalidad bilang suporta sa pamumuno ni Chief, PNP PGen Jose Melencio C Nartatez Jr. at sa pangakong ihatid ang “Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”(Danilo Gravador)
Share.