Mahigit P162.2 milyong halaga ng hinihinalang kush ang nasamsam ng pinagsanib na puwersa ng Bureau of Customs Port of Subic, Philippine Drug Enforcement Agency, Philippine Coast Guard, at Department of Justice sa Subic Bay Yacht Club, Subic Freeport.
Ayon kay Atty. Genniefel Lagmay, District Collector ng BOC Port of Subic, umabot sa 98.332 kilograms ang nakumpiskang hinihinalang kush na tinatayang nagkakahalaga ng mahigit P162.2 milyon.
Natuklasan ng mga awtoridad ang kontrabando matapos makatanggap ng derogatory information hinggil sa isang distressed sailing yacht na dumating sa Subic Bay Yacht Club.
Dahil sa masamang lagay ng panahon, napilitang humingi ng emergency shelter at repair assistance sa Subic Bay Yacht Club ang foreign sailing yacht na may sakay na mga Thai at Malaysian crew members.
Ayon sa ulat, nagmula sa Kota Kinabalu, Malaysia ang nasabing vessel at orihinal itong patungo sa Taiwan.
Batay sa impormasyong natanggap ng mga awtoridad, pinaniniwalaang may kargang prohibited o contraband items ang vessel, kaya isinailalim ito sa inspection at search operation.
Agad namang naglabas si Collector Lagmay ng Mission Order na nagbigay-awtoridad para sa inspection at search sa sailing yacht, sa koordinasyon ng Subic Bay Metropolitan Authority Law Enforcement Department, PDEA, Philippine Coast Guard, at DOJ.
Nagresulta ang operasyon sa pagkakakumpiska ng 98.332 kilograms ng hinihinalang kush, na tinatayang nagkakahalaga ng mahigit P162 milyon.
Patuloy namang inaalam ng mga awtoridad ang pinagmulan at destinasyon ng nasabing kontrabando, gayundin ang posibleng pananagutan ng mga taong sangkot sa pagdadala nito.(Bruno Tatlonghari)
Share.