Nagbabala ang Department of Health (DOH) laban sa basta-bastang pamamahagi ng doxycycline sa mga kabahayan bilang proteksiyon laban sa leptospirosis at iba pang sakit na maaaring makuha mula sa baha.
Kasunod ito ng ulat na may mga local government unit na siya nang namimigay ng doxycycline sa mga kabahayan.
Ayon kay Health Undersecretary Gloria Balboa, maaaring magsagawa ng house-to-house distribution ng doxycycline ang mga health worker dahil nag-training na umano ang mga ito kung paano magbigay ng nasabing gamot.
Ngunit hindi ito dapat basta ibinibigay dahil nakadepende aniya sa antas ng exposure sa baha ng isang tao ang tamang dosage at dalas ng pag-inom nito.
Anang DOH usec, dapat sundin ang mga alituntunin sa paggamit ng doxycycline upang matiyak ang ligtas at wastong paggamit ng antibiotic.
“Kaya hindi puwedeng parang left and right mo lang ipamigay… ‘yung doxycycline kasi meron tayong guidelines,” ani Balboa.
Samantala, hinimok ni Balboa ang mga local government unit na unahin ang pagbibigay ng protective gears tulad ng bota at kapote partikular na sa mga manggagawang kinakailangang lumusong sa baha.

