AABOT sa 3,000 laptop ang ipinamahagi ni Malabon City Mayor Jeannie Sandoval sa mga guro ng pampublikong paaralan bilang suporta ng lokal na pamahalaan sa pagpapalakas sa sektor ng edukasyon.
“Ito ang katuparan ng ating naging pangako noon na masiguro na mas magiging madali at dekalidad ang pagtatrabaho ng ating mga guro at non-teaching personnel. Kayo ang pundasyon ng edukasyon at magandang kinabukasan ng ating mga mag-aaral. Makakaasa po kayo na ang Pamahalaang Lungsod ay patuloy na susuporta sa inyo,” ani Mayor Jeannie.
Naniniwala din siya na makakatulong ang mga laptop sa pagsuporta sa mga guro sa paghahanda ng kinakailangang materyales sa pagtuturo, pamamahala ng gawaing pang-paaralan, at paggamit ng makabagong teknolohiya.
Bukod sa mga laptop, isinabay na rin ni Mayor Sandoval ang pamamahagi ng P4,500 na second-quarter allowance sa mga kuwalipikadong guro bilag karagdagang suportang pinansiyal at pagkilala sa kanilang pagsisikap na turuan ng maayos ang mga estudyanteng Malabueño.
Naniniwala naman si City Administrator Dr. Alexader Rosete na ang pagbibigay ng laptop at allowance sa mga guro ay pagpapakita ng pagpapahalaga ng lokal na pamahalaan sa sakripisyo at dedikasyon ng mga guro at non-teaching personnel ng mga pampublikong paaralan.
Kabilang sa mga dumalo sa turn-over ceremony na isinagawa sa Malabon Sports Complex sina First Gentleman Cong. Ricky Sandoval, Malabon Schools Division Superintendent Juan Obierna, mga opisyal ng School Divisions Office at Malabon Public Elementary at Secondary Teachers’ Association Inc. (Roger Panizal)

