Lubos na kalungkutan ang bumalot sa mga kaanak, kaibigan at kasamahan matapos umanong matagpuan sa Dagupan City, Pangasinan ang bangkay ni James Patrick Taborlupa, na isang dating staff nurse na nahulog ang sasakyan sa gumuhong tulay sa Tarlac City.
 
Kinumpirma umano ni Tarlac City Mayor Susan Yap ang natagpuang labi ni James Patrick Taborlupa na narekober sa Brgy. Carael, Dagupan, Pangasinan.
 
Ayon kay Mayor Yap, nakatanggap ng tawag ang Tarlac PDRRMO mula sa Pangasinan PDRRMO bandang pasado alas-8:00 ukol sa natagpuang bangkay. 
 
Nagpadala ang mga awtoridad ng larawan upang ipasuri sa pamilya kung isa ito sa apat na nawawalang sakay ng SUV.
Si Taborlupa ay kabilang sa apat na naiulat na nawawala matapos mahulog sa Tarlac River ang sinasakyan nilang sasakyan kasunod ng biglaang pagguho ng Agana Bridge sa Barangay Tibag, Tarlac City noong Agosto 29, 2026.
 
Kasalukuyan pa ring pinaghahanap ang tatlo pang nawawala na kinilalang sina Shanen Tohao, Shiela Mae Taborlupa at Nathaniel Dizon.
 
May mga nag-post naman sa social media na hindi bangkay ni James Patrick ang natagpuan sa Dagupan City at ito ay kinukumpirma rin ng mga awtoridad.
 
Sa unang rescue operation, isa sa mga sakay na kinilalang si Paul Harvey Collado, na sinasabing may-ari ng sasakyan, ang agad na narekober at isinugod sa kalapit na ospital.
 
Ayon sa mga ulat, ilang araw nang nagsasagawa ng search and retrieval operation sa ilog bago tuluyang natagpuan ang katawan ng nasabin biktima sa karatig na lalawigan ng Pangasinan.
Patuloy na mino-monitor ng mga awtoridad sa mga kailugan ang iba pang nawawalang indibidwal kaugnay ng naturang insidente.(DGravador)
Share.