Nahaharap sa patong-patong na kaso ng apat na bilang ng Grave Threats alinsunod sa R.A. 10175 (Cybercrime Prevention Act), Direct Assault laban sa mga Persons in Authority, at paglabag sa BP Blg. 6 (Illegal Possession of Deadly Weapon) ang isang lalaki matapos maaresto sa Pulilan, Bulacan.
Batay sa ulat mula kay PLt. Colonel Eric C. Cister, hepe ng Pulilan MPS, sa isinagawang imbestigasyon ay nag-ugat ang kaso sa umano ay paulit-ulit na pagbabanta ng suspek na kinilalang si alyas “Wil” sa buhay ng ilang indibidwal sa pamamagitan ng social media.
Matapos matanggap ang ulat ay agad namang kumilos ang mga operatiba ng Pulilan MPS upang tugisin at arestuhin ang suspek.
Sa aktuwal na pag-aresto, ay napag-alamang sinubukang umiwas ng suspek sa mga awtoridad at nagsalya ng isang pulis na nagsasagawa ng lawful arrest.
Matapos itong maaresto, nakumpiska mula sa kanyang pag-iingat ang isang balisong na nakatago sa kanyang baywang.
Lubos naman ang pagsisisi ng suspek at sinabing hindi niya umano sinasadya ang mga naging pahayag at pagbabanta na kanyang ipinost sa social media.
Gayunpaman, ipinaalala ng mga operatiba na ang bawat salita at kilos, maging online o sa internet, ay may kaakibat na pananagutan sa ilalim ng batas.
Ayon kay PLt.Col Cister, hindi sapat na sabihin na biro lamang o dala ng bugso ng damdamin ang isang pahayag at kapag ang salita ay naging banta sa buhay o kaligtasan ng kapwa, maaari itong magkaroon ng seryosong legal na pananagutan.(Bruno Tatlonghari)

