Nasamsam ng mga operatiba ng City Police Drug Enforcement Unit (CPDEU) ang 56.7 gramo ng shabu na may Standard Drug Price (SDP) na ₱385,560.00, kasabay ng pagkakaaresto sa dalawang bagong tukoy na High-Value Individuals (HVI) sa isinagawang anti-illegal drug operation sa Olongapo City kamakalawa ng gabi.
Sa ulat mula kay PColonel Deonido S Maniago Jr, city director ng Olongapo City Police Office, isinagawa ng mga awtoridad ang buy-bust operation sa Davidson Street, Barangay West Bajac-bajac, Olongapo City. 
 
Naaresto sa operasyon sina alyas “Mac-mac,” 37 taong gulang, walang asawa, Grab driver; at isa pang lalake, 31 taong gulang, parehong residente ng Quezon City.
 
Narekober ng mga operatiba ang apat (4) na heat-sealed plastic sachets at isang (1) knot-tied plastic na naglalaman ng shabu, gayundin ang ₱1,000.00 buy-bust money.
Ang mga naarestong suspek at nakumpiskang ebidensya ay dinala sa CPDEU Office para sa wastong dokumentasyon at disposisyon.
Mga kasong paglabag sa Section 5, Section 26(b) in relation to Section 5, at Section 11, Article II ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, ay isinampa na sa Olongapo City Prosecutor’s Office para sa kaukulang legal na aksyon.(DGravador)
Share.