Umabot sa 1,279 kahon ng hinihinalang counterfeit o pekeng produkto, na may tinatayang halagang ₱5,949,200.00, ang isinuko matapos ang isinagawang post-audit at ocular inspection sa isang grocery products trading establishment sa Barangay Gen. T. De Leon, Valenzuela City, bandang 10:30 ng umaga noong Agosto 25, 2026.

Isinagawa ang inspeksyon ng Business Permit and Licensing Office (BPLO) ng Pamahalaang Lungsod ng Valenzuela, kasama ang mga kinatawan ng isang food manufacturing company, kaugnay ng kanilang reklamong umano’y pamemeke ng kanilang produkto. Naroon din ang mga barangay tanod ng Barangay Gen. T. De Leon.

 Sa isinagawang inspeksyon, natukoy ang malaking bilang ng mga produktong pinaniniwalaang peke o counterfeit.

Ang mga naturang produkto ay isinuko at kinumpiska ng kinatawan ng kumpanyang nagreklamo at nakatakdang sumailalim sa kaukulang proseso para sa destruction o disposal, alinsunod sa mga umiiral na patakaran at pamamaraan.

Samantala, nagbigay ng area security ang mga tauhan ng Valenzuela City Police Station, kabilang ang SWAT, Station Intelligence Section at Sub-Station 2, katuwang ang mga tauhan ng District Intelligence Division ng Northern Police District, sa ilalim ng pangangasiwa nina PMAJ Randy M Llanderal, Assistant Chief of Police for Operations, at PCOL Joseph G Talento, Chief of Police, VCPS. Ayon kay PCOL Talento, mahalaga ang kooperasyon ng mga negosyo at publiko sa pagtukoy at pag-uulat ng mga produktong pinaghihinalaang peke o hindi awtorisado.  

Mahalaga rin na ang mga negosyo ay tiyaking lehitimo at mula sa awtorisadong sources ang kanilang mga produkto, upang maprotektahan hindi lamang ang kanilang negosyo kundi higit sa lahat ang mga mamimili.

Patuloy namang nakikipag-ugnayan ang Valenzuela City Police Station sa Pamahalaang Lungsod ng Valenzuela at iba pang concerned agencies upang mapanatili ang seguridad ng publiko at makatulong sa pagpigil sa pagkalat ng mga pekeng produkto sa komunidad.(Roger Panizal)

Share.