Nasawi ang isang police officer at dalawang kilalang ilegal na gun dealer sa isang entrapment operation na nauwi sa palitan ng putok bago magmadaling-araw nitong Linggo, Agosto 23, sa Pagadian City.

Kinumpirma ng mga opisyal ng Police Regional Office-9 (PRO-9) at mga lokal na opisyal ng Pagadian City na namatay si Police Major Aiman Khuzaimah Pantaran, hepe ng intelligence unit ng Pagadian City Police Station, matapos tamaan ng bala sa dibdib sanhi ng naturang shootout.

Ayon sa imbestigasyon, ang operasyong pinlano ni Pantaran at ng kanyang mga tauhan ay pumalya nang mabatid umano ng magkapatid na Janie Bravo Gomez at Jerry Bravo Gomez na ang kanilang ka-transaksyon sa bentahan ng baril sa Purok Malipayon, Barangay Dao, Pagadian City ay mga pulis na nakasibilyan.

Bumunot umano ng baril ang magkapatid at agad na nagpaputok, na nagresulta sa maikling engkuwentro.

Ayon sa mga lokal na opisyal, ilang beses nang nakulong ang magkapatid dahil sa iba’t ibang kasong kriminal.

Sinabi rin ng PRO-9 at ng mga miyembro ng Pagadian City Peace and Order Council na ang magkapatid ay kilalang nagbebenta ng mga hindi lisensiyadong baril at sangkot din umano sa ilegal na kalakalan ng shabu at marijuana.

Idineklara ring dead on arrival sina Pantaran at ang dalawang suspek ng mga doktor sa Mendero Medical Center sa Pagadian City, kung saan sila dinala ng mga pulis at emergency responders matapos ang insidente.

Iniulat din na ang dalawang napatay na gun dealer ay may kaugnayan umano sa mga grupong kriminal sa Lanao del Sur na na-neutralize ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR) sa magkakahiwalay na operasyon noong nakaraang taon, sa tulong ng intelligence personnel ng 103rd Infantry Brigade ng 1st Infantry Division.

 

Share.