Patay at nagsisimula nang maagnas nang matagpuan ang 28-anyos na person with disability (PWD) na empleyado ng Department of Education (DepEd) sa Bacoor National High School nang mawala ng isang linggo, sa madamong bahagi ng Molino Boulevard sa Brgy. San Nicolas 2, Bacoor City.
Kinilala ang biktima na si Dench Francisco Morales o mas kilala sa “Sir Dench,” Administrative Aide (ADA)-I ng Bacoor National High School-Gawaran Annex.
Sa ulat ng pulisya, natagpuan ang bangkay ng isang lalaki noong Agosto 20 dakong 4:45 ng hapon sa nasabing lugar. Halos hindi na ito makilala dahil sa unti-unti nang naagnas, na hinihinalang ilang araw nang patay at nababad sa tubig-ulan.
Nauna rito, inir-eport ng kapatid ni Morales ang pagkawala nito sa himpilan ng pulisya.
Huli umano nilang nakitang buhay si Morales sa Main Square Mall, Molino Blvd. sa Brgy. Bayanan, Bacoor City nitong Agosto 13, 2026 dakong 4:30 ng hapon.
Sa imbestigasyon, at backtracking ng mga CCTV ng pulisya, nadiskubre ang isang patay na lalaki sa Molino Blvd. sakop ng Brgy. San Nicolas 2 nitong Agosto 20. Hindi na halos makilala ang bangkay subalit tumutugma naman ang physical built nito at damit sa nawawalang si Morales.
Agad isinailalim sa forensic examination at identification ng SOCO ang labi ng biktima at dito positibong nakumpimra na ito ang nawawalang si Morales. Hindi naman tinukoy ang sanhi ng pagkamatay ng biktima.
Kaugnay nito, humihingi ng hustisya ang pamilya, mga katrabaho, at kaibigan ni Morales. Hiling nila na malaman ang totoong dahilan ng pagkamatay ng biktima.
Hindi pa nagbibigay ng konklusyon ang mga awtoridad sa pagkamatay ni Rosales habang nagpapatuloy ang imbestigasyon

