Sinibak sa puwesto ng Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) ang regional chief ng National Capital Region na si PCol. Joey Tomas Caise at 12 iba pang tauhan.
Sa special order na may petsang Agosto 22 na nakuha ng Abante, ni-reassign si Caise sa Human Resource Management and Doctrine Development Division-Personnel Holding and Accounting Section, epektibo ngayong araw.
Samantala, batay sa special order na may petsang Agosto 20, inilipat din sa naturang section ang 12 tauhan ng PNP-HPG NCR. Kabilang dito ang isang lieutenant colonel, isang major, tatlong police senior master sergeant, tatlong police corporal at apat na patrolman.
Kinumpirma ito ni PNP-HPG Director PBrig. Gen. Rommel Batangan sa isang pahayag. Aniya, ginawa ang reassignment alinsunod sa zero-tolerance policy ng PNP sa misconduct upang bigyang-daan ang patas na imbestigasyon.
“Appropriate action will be taken based on the findings, in accordance with due process,” ani Batangan.
Nitong Sabado, ibinunyag ng veteran columnist na si Mon Tulfo na nabastusan umano si Bureau of Customs (BOC) Commissioner Ariel Nepomuceno nang i-raid ng mga tauhan ng PNP-HPG NCR ang isang compound sa Bulacan kung saan sinusunog ang mga smuggled na sigarilyong nakumpiska ng BOC.
Pilit umanong kinukuha ng mga pulis-HPG ang mga sigarilyong nakatakdang sunugin at dinisarmahan at tinutukan pa umano ang mga tauhan ng BOC na nakatalaga sa incinerator.
Nagprotesta naman umano si Nepomuceno sa pamunuan ng PNP kaugnay ng insidente, ayon pa kay Tulfo.

Share.